UST overall champion sa UAAP

MANILA, Philippines — Napasakamay ng University of Santo Tomas ang overall championship crown sa UAAP Season 84 — ang ikalimang sunod na korona ng España-based squad.

Sa kabuuan, may 45 general championship title na ang Growling Tigers sa collegiate division.

Walong events lang ang pinaglabanan sa season na ito. Nakalikom ng kabuuang 84 puntos ang Growling Tigers  para makuha ang apat na korona sa season na ito.

Nagkampeon ang UST sa poomsae, men’s 3x3 basketball, men’s beach volleyball at men’s chess.

Nakapilak pa ang UST sa women’s 3x3 basketball, ikaapat sa women’s volleyball, at parehong ikapito sa men’s 5-on-5 basketball at women’s chess.

Nakadikit sa ikalawang puwesto ang National University na may 81 puntos. Hindi lumahok ang Bulldogs sa men’s chess event.

Sariwa pa ang NU sa matamis na kampeonato sa women’s volleyball. Naibulsa rin ng NU ang korona sa women’s chess at women’s 3x3 basketball.

Pumangatlo lamang ang season host De La Salle University na may 76 points habang ikaapat ang University of the Philippines na may 71 points.

Show comments