Reyes, Cone pag-aagawan ang PBAPC Coach of the Year award
MANILA, Philippines — Siyam na individual awards ang igagawad sa tradisyunal na PBA Press Corps Awards Night na idaraos sa isang face-to-face sa unang pagkakataon matapos ang tatlong taon dahil sa pandemya.
Nakatakda ang nasabing event sa Hunyo 21 sa Novotel Manila Araneta Center sa Quezon City.
Paglalabanan nina Tim Cone ng Barangay Ginebra at Chot Reyes ng TNT Tropang Giga ang Coach of the Year plum ng Season 46.
Ang nasabing award na ibinibigay sa mga coaches ay ipinangalan kay legend Virgilio ‘Baby’ Dalupan.
Ibibigay din ang Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes at Bogs Adornado Comeback Player of the Year.
Ang iba pang igagawad ay ang All-Rookie Team, Scoring Champion at Order of Merit, ibinibigay sa individual na may pinakamaraming Player of the Week honors na natanggap mula sa Press Corps.
Huling idinaos ang awards night noong 2019 sa 25th anniversary ng annual event bago nagkaroon ng pandemya sa sumunod na taon.
Ang special edition ng gala night noong 2021 ay ginawa virtually kung saan hinirang si Cone bilang Outstanding Coach dahil sa paghahari ng Ginebra sa Philippine Cup noong 2020 season sa Clark bubble.
- Latest