Blue Eagles, Fighting Maroons bardagulan sa Game 3
MANILA, Philippines — Inaasahang magiging ‘epic battle’ ang pinakahuling salpukan ng nagdedepensang Ateneo Blue Eagles at University of the Philippines Fighting Maroons.
Nagtabla sa 1-1, magtutuos ang Blue Eagles at Fighting Maroons ngayong alas-6 ng gabi sa Game Three ng UAAP Season 84 men’s basketball championship sa MOA Arena sa Pasay City.
Humirit ang Ateneo ng ‘winner-take-all’ game nang makatakas sa Game Two, 69-66, noong Miyerkules kung saan nagposte si Most Valuable Player Ange Kouame ng 14 points, 14 rebounds at 8 blocks.
Nauna nang inangkin ng UP ang 81-74 overtime win sa Game One noong Linggo.
“Heading into Game Three, we have to put everything that happened in Game Two behind us now,” sabi ni Blue Eagles’ coach Tab Baldwin sa pagharap sa Fighting Maroons. “We have a whole new challenge in front of us.”
Itinala ng Ateneo ang 15-point lead, 45-30, sa third quarter bago naagaw ng UP ang 57-56 abante sa huling limang minuto ng fourth period.
Nagsanib-puwersa naman sina Kouame, SJ Belangel at Gian Mamuyac para muling ilayo ang Blue Eagles sa 69-63 habang kinamada ni Ricci Rivero ang huling tatlong puntos ng Fighting Maroons.
“We needed to be more responsible din sa bola kasi marami kaming turnovers,” wika ni UP mentor Goldwin Monteverde.
Hangad ng Fighting Maroons na wakasan ang 36-taong pagkauhaw sa korona matapos magkampeon noong 1986 sa likod nina Benjie Paras, Ronnie Magsanoc at Eric Altamirano.
- Latest