Lady Bulldogs, Lady Maroons sosyo sa itaas
MANILA, Philippines — Dinungisan ng National University ang malinis na karta ng De La Salle University matapos nilang sagpangin ang 25-22, 25-15, 25-19 panalo kahapon sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagsanib-puwersa sina Alyssa Jae Solomon at Camilla Lamina upang tulungan ang Lady Bulldogs na ilista ang 3-0 karta at manatili sa tuktok ng team standings kasama ang University of the Philippines Lady Maroons na nakatakas sa University of Santo Tomas, 25-21, 23-25, 25-21, 25-22 sa unang laro.
Humataw si Solomon ng 14 points habang nag-ambag si Lamina ng 15 excellent sets.
“Nag-stick lang sa gameplan.” saad ni head coach Karl Dimaculangan. “Yung mga bata, na-execute ng maayos yung gameplan,”
Bumakas sina Michaela Belen at Princess Anne Robles ng tig-13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Si Leiah Malaluan ang kumana ng 10 puntos para sa Taft-based squad DLSU na nalasap ang unang talo sa tatlong laro.
Sa kabilang banda, humugot ng puwersa ang Lady Maroons kay Jewel Encarnacion na umukit ng 16 puntos para pamunan ang koponan.
“They played their hearts out. It was not an easy game. UST is a very, very strong team,” ani UP head coach Godfrey Okumu.
- Latest