Tres ni Embiid naglusot sa 76ers sa OT vs Raptors
MANILA, Philippines — Lumapit ang Philadelphia 76ers sa pag-sweep sa Toronto Raptors at tinalo naman ng Boston Celtics ang Brooklyn Nets sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Sa Toronto, kumonekta ni center Joel Embiid ng game-winning triple sa huling 0.8 segundo sa overtime para sa 104-101 pag-eskapo ng 76ers sa Raptors sa Game Three ng kanilang Eastern Conference first-round series.
Humakot si Embiid ng 33 points at 13 rebounds para sa 3-0 bentahe ng Philadelphia sa kanilang serye ng Toronto habang nagtala si James Harden ng 19 points at 10 assists.
Bumangon ang 76ers mula sa 17-point deficit para itulak ang Raptors sa extra period, 95-95.
Ang triple ni OG Anunoby ang nagbigay sa Toronto ng 100-99 bentahe kasunod ang basket ni Embiid para sa 101-100 abante ng Philadelphia sa huling 2:36 ng overtime.
Ang split ni Anunoby sa nalalabing 26 segundo ang nagtabla sa Raptors sa 101-101 kasunod ang game-winning triple ni Embiid para sa 76ers.
Sa Boston, kumamada si Jaylen Brown ng 22 points para igiya ang Celtics sa 114-107 panalo sa Nets at ilista ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference first-round matchup.
Umiskor si Jayson Tatum ng 19 points para sa Boston habang may 16 at 15 markers sina Al Horford at Daniel Theis, ayon sa pagkakasunod.
Sa Milwaukee, nagpa-sabog si DeMar DeRozan ng career playoff-high na 41 points sa 114-110 pagsuwag ng Chicago Bulls sa nagdedepensang Bucks at itabla sa 1-1 ang kanilang Eastern Conference first-round series.
- Latest