Pinoy jins sumipa ng 3 medalya sa Open Challenge
MANILA, Philippines — Muling nagningning ang national poomsae team matapos sumipa ng isang ginto at dalawang pilak na medalya sa 2022 World Taekwondo Poomsae Open Challenge.
Binanderahan ni Rodolfo Reyes ang kampanya ng Pinoy squad matapos masungkit ang nag-iisang gintong medalya mula sa men’s individual under-30 division.
Nagtala si Reyes ng 7.540 puntos para pataubin sina silver medalist Alfi Kusuma ng Indonesia na umiskor ng 7.470 at bronze winners Sun Shine ng Myanmar (7.320) at Wu Shin ng SoKor (7.310).
Nakahirit naman ng pilak na medalya sina Jocel Lyn Ninobla at Ernesto Guzman sa kani-kanyang events.
Pumangalawa si Ninobla sa women’s individual under-30 class kung saan nakakuha ito ng 7.630 puntos laban sa gold medalist na si Eva Sandersen ng England na may 7.780 puntos.
Nagkasya rin sa segunda si Guzman na binigyan ng 7.300 puntos ng mga hurado sa men’s individual under-30 class na pinangunahan ni Hyun Kim ng SoKor na naglista ng dikit na 7.340 puntos.
- Latest