Gin Kings amoy na ang korona
MANILA, Philippines — Nalampasan ng nagdedepensang Barangay Ginebra ang pagbangon ng Meralco mula sa 14-point deficit sa fourth period para kunin ang 115-110 panalo sa Game Five sa PBA Governors’ Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumipa si Best Import Justin Brownlee ng 40 points, 11 rebounds, 5 assists at 2 blocks para sa krusyal na 3-2 lead ng Gin Kings sa kanilang best-of-seven championship series ng Bolts.
Nagtala si Best Player of the Conference Scottie Thompson ng 19 points, 11 assists at 9 rebounds at may 16, 13 at 10 markers sina Arvin Tolentino, Christian Standhardinger at LA Tenorio, ayon sa pagkakasunod.
“Our guys made big shots, made big plays. We scored 100 points against a very tough team like Meralco,” ani coach Tim Cone.
Ang panalo ng Ginebra sa Meralco sa Game Six sa Miyerkules sa Big Dome ang magbibigay sa kanila ng pang-apat na korona sa huling limang edisyon ng season-ending conference.
Makokopo rin nila ang ika-14 kampeonato sa kabuuan.
Malaking papel ang ginampanan ni Standhardinger sa huling apat na minuto ng fourth quarter kung saan inilayo niya ang Gin Kings sa 102-97 sa huling 3:28 minuto.
Kinuha ng Ginebra ang 14-point lead, 54-40, sa huling 1:04 minuto ng second quarter at nakadikit ang Meralco sa 70-74 agwat sa 3:38 minuto ng third canto mula sa inihulog na 10-1 atake matapos maiwanan sa 60-73.
Ngunit muling bumida sina Brownlee, Thompson at Tolentino para ilayo ang Ginebra sa 94-80 sa 8:35 minuto ng fourth quarter.
- Latest