Ancajas dehydrated bago ang laban
MANILA, Philippines — Hindi pinalad si Jerwin Ancajas na madepensahan ang kanyang International Boxing Federation (IBF) super flyweight belt matapos matalo kay Fernando Martinez ng Argentina via unanimous decision sa Cosmopolitan Arena sa Las Vegas, Nevada.
Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, may iniindang problema si Ancajas ilang araw bago ang laban.
Ayon kay MP Promotions president Sean Gibbons, dehydrated si Ancajas dahil nahirapan itong makuha ang tamang timbang.
Naapektuhan ang timbang ni Ancajas dahil ilang linggo din itong nabakante matapos maudlot ang laban sana nito kay World Boxing Organization (WBO) super flyweight king Kazuto Ioka noon sanang Disyembre 31 dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Japan.
Ikinuwento ni Gibbons na ilang oras bago ang official weigh-in, kinailangan pa ni Ancajas na magpapawis upang makapasok sa 115 weight limit.
Nagawa naman ito ni Ancajas dahil nagtala ito ng 114.5 pounds.
Ngunit hindi agad nakarekober ang kanyang katawan dahil sa sobrang dehydration, dahilan para bumagal ito sa buong panahon ng laban.
- Latest