PBA tumutulong sa UAAP, NCAA

MANILA, Philippines — Matapos ang ilang kumperensiya sa bubble, kabisado na ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pasikot-sikot sa isang bubble setup.

Kaya naman tumutulong ang PBA sa University of the Philippines Athletic Association (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa pagbuo ng bubble upang matuloy ang planong pagbabalik-aksyon ng dalawang pamosong collegiate leagues sa bansa.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, ibinabahagi ng liga ang mga dapat gawin sa pagdaraos ng isang tournament sa isang bubble setup.

Nakikipagpulong ang PBA sa mga kinatawan ng UAAP at NCAA upang tulungan ang mga ito para ma­ging matagumpay ang kani-kanyang liga.

“Pinag-usapan namin kung ano ang dapat gawin,” ani Marcial.

Nakipag-usap na si Marcial sa mga kinatawan ng NCAA gaya nina College of Saint Benilde representatives Stephen Fernandez at Dax Castellano.

Tapos na rin ang meeting ng PBA kina UAAP President Nonong Calanog ng La Salle at Executive Director Atty. Rebo Saguisag.

Target ng UAAP at NCAA na masimulan ang season sa Marso. Subalit base sa patakaran ng Commission on Higher Education at Inter-Agency Task Force, kailangang idaos ang torneo sa isang bubble setup lalo pa’t mataas pa rin ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Pangunahing binabantayan ang safety and health protocols na ipatutupad sa oras na magsimula na ang liga.

Show comments