PBA governors’ cup dedesisyunan sa susunod na lingo

Nagpasya ang PBA Board na suspindehin ang mga laro ng nasabing import-reinforced conference nang sumirit ang mga COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) at mga karatig probinsya.
STAR / File

Itutuloy o kanselado na?

MANILA, Philippines — Malalaman sa susunod na linggo ang desisyon ng PBA Board para sa natenggang 2021-2022 Governors’ Cup sa gitna ng paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa dahil sa Omicron variant.

Nagpasya ang PBA Board na suspindehin ang mga laro ng nasabing import-reinforced conference nang sumirit ang mga COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) at mga karatig probinsya.

“Madedesisyunan na iyan next week. Nagpatawag na ng board mee­ting si Chairman (Ricky Vargas),” wika kahapon ni PBA Commissioner Willie Marcial sa online session ng Philippine Sportswriters Association (PSA).

“By next week malalaman na kung itutuloy o hindi, ano ba ang balak, hihintayin ba nating bumaba (ang COVID-19 cases),” dagdag nito.

Inihayag ng liga ang pansamantalang pagpapaliban sa mga laro ng Go­vernors’ Cup pati ang mga team scrimmages noong Enero 6 nang sumipa ang mga COVID-19 cases sanhi ng Omicron variant.

Huling naglaro ang PBA noong Disyembre 26 na may limitadong live a­udience sa Smart Araneta Coliseum.

Inendorso na ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapatuloy ng PBA sa kanilang torneo sa isang home-venue-home set-up.

“From there, titingnan natin. May mga kakausapin din tayo at kokonsultahin,” sabi ni Marcial.

Ginamit ng liga ang nasabing set-up nang maglaro sa Ynares Sports Arena sa Pasig City noong 2021 Philippine Cup na inilipat sa semi-bubble sa Bacolor, Pampanga dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases sa NCR.

“Pero iyon nga ang sinasabi ko, kapag lumabas ba tayo (ng NCR), nag-bubble tayo sa labas sigurado ba tayong hindi rin tatamaan? Iyon pa ang isang pina­ngangambahan namin,” ani Marcial. “Pero sigurado pag-uusapan iyan (sa Board meeting).”

Show comments