600 atleta target ipadala sa Hanoi SEA Games

31st Hanoi SEA Games
STAR/ File

MANILA, Philippines — Target ng Philippine Olympic Committee (POC) na magpadala ng mahigit 600 atleta sa 31st Southeast Asian Games na idaraos sa Mayo 12 hanggang 25 sa Hanoi, Vietnam.

Napaso na ang deadline ng pagsusumite ng entry by numbers kung saan inirehistro  ng POC ang 627 atletang nais nitong isabak sa 39 sports.

May 40 sports ang pag­lalabanan sa Hanoi SEA Games pero hindi lalahok ang Pilipinas sa xiangqi na isang Chinese chess.

Gayunpaman, nilinaw ng POC na posible pang mabawasan ang naturang bilang sa oras na isumite ang entry by names na nakatakda sa Marso 12.

Inaasahang sasalain pa ng POC ang listahan nito upang madetermina ang mga atletang may pinakamalakas na tsansang mag-uwi ng medalya.

Sa Pebrero 12, sisimulan na ang pamamahagi ng accreditation forms para sa mga atleta, coaches, officials at media na magi­ging bahagi ng Hanoi SEA Games.

Sa Marso 12 rin ang huling araw para magpadala ng accreditation form ang lahat ng miyembro ng SEA Games Federation Council.

Muling magkakaroon ng chef de mission meeting sa Marso 18 para maipinalisa ang lahat ng kakaila­nganin para sa pagdaraos ng Hanoi SEA Games.

Dadalo sa naturang pagpupulong si Team Phi­lippines chef de mission Ramon Fernandez na commissioner ng Philippine Sports Commission.

Aminado si Fernandez na magiging mahirap depensahan ang overall championship title ng Pilipinas na napanalunan nito noong 2019 edisyon na ginanap sa Maynila.

Mangunguna sa kampanya ng Pilipinas sina Tok­yo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz, silver meda­lists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze medalist Eumir Felix Marcial kasama sina world champion Carlos Edriel Yulo at pole vaulter EJ Obiena.

Show comments