Valdez gigil nang pumalo sa PVL Open Conference

MANILA, Philippines — Masisilayan sa aksyon si Alyssa Valdez sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference.

Ito ang kinumpirma ni Valdez matapos magsulputan ang mga haka-hakang hindi ito maglalaro sa season-opening conference ng liga dahil sa Pinoy Big Brother stint nito.

Sa katunayan, sabik na si Valdez na muling tumuntong sa court para tulungan ang Cool Sma­shers sa kampanya nito.

Handa itong lumaro sa nalalapit na pagbubukas ng kumperensiya upang masuklian ang suportang ibinigay sa kanya ng Cool Smashers sa kanyang PBB journey.

“Sobrang thankful ako sa suporta nila sa journey ko sa PBB. Kaya talagang gagawin ko ang lahat para masuklian ang lahat ng support nila sa akin,” ani Valdez sa programang The Game.

Kaya naman handang ibuhos ni Valdez ang lahat upang matulungan ang Cool Smashers na muling makasikwat ng korona sa 2022 season ng PVL.

Nagkaroon lamang ng ilang aberya nang magpositibo si Valdez sa coronavirus disease (COVID-19) noong Enero 7 dahilan para pansamantala itong matigil sa online workouts ng tropa.

Subalit masayang inihayag ng Creamline team captain na nakarekober na ito at muli nang nakakasama ang kanilang koponan sa mga ginagawa nitong individual training.

Isa ang Creamline sa may pinakasolidong lineup sa Open Conference dahil halos walang nabago sa team kaya’t hindi magiging problema ang chemistry.

Show comments