PBA nakaabang sa go signal ng SBP sa Gilas Pilipinas Draftees

MANILA, Philippines — Hihintayin pa ng Philippine Basketball Association (PBA) ang magiging desis­yon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa kontrata ng mga Gilas Pilipinas draftees.

Nakatakdang mapaso sa Enero 31 ang kontrata ng limang Gilas Pilipinas draf­tees na sina Isaac Go (Terrafirma), Rey Suerte (Blackwater), Matt Nieto (NLEX), Allyn Bulanadi (Alaska) at Mike Nieto (Rain or Shine).

Ngunit wala pang linaw kung irerenew ng SBP ang mga kontrata nito upang ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa Gilas Pilipinas.

“Kailangan meron lang communication sa’min ang SBP na pwede itong player na ito maglaro sa PBA. Kasi baka ina-asume lang namin na pwede, yun pala kailangan pa nila. Yun ang mahirap,” ani PBA commissioner Willie Marcial.

Kung hindi na irerenew ang kontrata ng mga Gilas Pilipinas draftees, agad na itong ibibigay sa kani-kanyang mother teams upang makasama sa kampanya sa PBA Governors’ Cup.

Kailangan muna ng PBA na klaruhin ang lahat sa SBP dahil pinagha­handaan ng Gilas ang ilang malalaking torneo kabilang na ang 2023 FIBA World Cup na idaraos sa Pilipinas sa susunod na taon.

Sasalang din ang Gilas Pilipinas sa Southeast Asian Games, FIBA Asia Cup at sa Asian Games.

“Basta ‘pag sinabi ng SBP na pwede na yang player na yan sa inyo, o kung okay na maglaro sa PBA, okay na kami. Welcome yan. Ilalaro namin, ibibigay agad namin sa team,” ani Marcial.

Show comments