Paat mainit sa Thailand

MANILA, Philippines — Muling nagpasiklab si opposite hitter Mylene Paat para tulungan ang Nakhon Ratchasima na kunin ang 25-15, 25-17, 25-15 demolisyon laban sa Kasetsart sa 2021-22 Volleyball Thailand League na ginaganap sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.

Binanderahan ng dating Adamson University standout ang Nakhon Ratchasima nang magpasabog ito ng 15 puntos tampok ang 14 attacks at isang ace.

Nakatuwang ni Paat sa matikas na ratsada ng Nakhon Ratchasima si Karina Krause na nagsumite ng 11 markers habang nagdagdag naman si Panida Yokawat ng siyam na puntos at pito naman galing kay Aphinya Phanchula.

Sumulong sa 3-3 baraha ang Nakhon Ratchasima para okupahan ang No. 4 spot sa standings habang nahulog naman sa 1-4 ang Kasetsart sapat sa ikapitong puwesto.

Muling hahataw si Paat at ang Nakhon Ratchasima sa Sabado laban sa Pro Flex RSU sa parehong venue.

Nakabawi si Paat matapos ibangko ng Nakhon Ratchasima sa huling set ng laro ng kanilang tropa kontra sa wala pang talong Supreme Chonburi.

Kapansin-pansin din ang pagsusuot ng face mask ng mga players habang naglalaro upang maiwasan ang coronavirus disease (COVID-19).

Show comments