Jokic triple-double sa panalo ng Nuggets sa Lakers

Sinagupa ni Nuggets star center Nikola Jokic ang dalawang Lakers defenders.
STAR/File

DENVER — Humakot si center Nikola Jokic ng 17 points, 13 assists at 12 rebounds para sa kanyang pang-walong triple-double ngayong season at akayin ang Nuggets sa 133-96 pagmasaker sa Los Angeles Lakers.

Tumipa si Jokic ng 14 points, 9 rebounds at assists sa first half patungo sa kanyang ika-65 career triple-double para sa ikalawang sunod na panalo ng Denver (22-19).

Kumamada si rookie Bones Hyland ng mga career highs na 27 points at 10 rebounds at nagtala si Jeff Green ng season-high 26 markers para sa Nuggets.

Nalasap ng Lakers (21-22) ang kanilang ikatlong dikit na kabiguan matapos maglista ng four-game winning streak.

Kumolekta si LeBron James ng 24 points at 9 rebounds at may 19 mar­kers si Russell Westbrook.

Sa Milwaukee, nagsumite si Pascal Siakam ng 30 points, 10 assists at 10 rebounds para sa kanyang ikalawang career triple-double at igiya ang Toronto Raptors (21-19) sa 103-96 pagdaig sa nagdedepensang Bucks (27-18).

Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang 30 points, 6 boards at 4 assists.

Sa Boston, isinalpak ni Robert Williams ang dalawang free throws sa huling 9.7 segundo sa 114-112 pag-eskapo ng Celtics (22-22) sa East-leading Chicago Bulls (27-14).

Sa iba pang laro, pinadapa ng Philadelphia 76ers ang Miami Heat, 109-98, iginupo ng Brooklyn Nets ang New Orleans Pelicans, 120-105; wagi ang Portland Trail Blazers sa Washington Wizards, 115-110; tinalo ng New York Knicks ang Atlanta Hawks, 117-18; nanalo ang Cleveland Cavaliers sa Oklahoma City Thunder, 107-102; dinaig ng San Antonio Spurs ang LA Clippers, 101-94; at giniba ng Dallas Mavericks ang Orlando Magic, 108-92.

Show comments