Philippine Team sa Asian Games binubuo na
MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng porma ang pambansang delegasyon na isasabak ng Pilipinas sa 19th Asian Games na idaraos sa Hangzhou, China sa Setyembre 10 hanggang 25.
Ito ay dahil nagtakda ang Hangzhou Asian Games Organizing Committee ng deadline sa pagsusumite ng entry by number sa Disyembre 31.
Inaasahang mangunguna sa listahan si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz na aabangan na ni world champion Liao Qiuyun ng China sa Asian Games.
Matatandaang tinalo ni Diaz si Liao sa Tokyo Olympics sa iskor na 224-223 kilograms.
Kaya naman desidido ang Chinese bet na makaresbak kay Diaz sa oras na muling magkrus ang kanilang landas sa Asian Games.
Nasa radar din sina silver medalist Nesthy Petecio, at bronze winners Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam na nakahirit ng kani-kanyang medalya sa Tokyo Olympics.
Pasok na pasok din si pole vaulter Ernest John Obiena na kasalukuyang nasa kontrobersiya sa liderato ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Kasalukuyang hawak ni Obiena ang Asian record na 5.93 metro na naitala nito sa kanyang gold-medal performance sa 2021 Golden Roof Challenge sa Austria.
Hahataw din si Tokyo Olympics veteran at world champion Carlos Edriel Yulo na galing sa pagsungkit ng isang ginto at isang pilak na medalya sa 2021 Artistic Gymnastics World Championships sa Kitakyushu, Japan noong Oktubre.
Nakaginto si Yulo sa men’s vault at pilak naman sa men’s parallel bars.
Ilan lamang sina Diaz, Marcial, Petecio, Paalam, Obiena at Yulo sa mga may pinakamalakas na tsansang makasungkit ng gintong medalya sa Hangzhou Asian Games.
Target ng Team Philippines na malampasan ang apat na gintong nakuha ng Pilipinas noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
- Latest