SMB itutuloy ang ratsada sa 2022
MANILA, Philippines — Kagaya ng lider na Magnolia, sumasakay din ang San Miguel sa isang three-game winning streak sa 2021-2022 PBA Governors’ Cup.
Matapos mahulog sa dalawang sunod na kabiguan ay nagpursige ang mga Beermen para makabalik sa kanilang porma.
“They’re always present in the practices because they know the importance of our games after two consecutive losses and I’m happy for them,” wika ni head coach Leo Austria.
Pinabagsak ng Beermen ang NorthPort Batang Pier, 91-88, bago isinunod ang Blackwater Bossing, 107-88, at ang Terrafirma Dyip, 100-88, para sa kanilang 3-2 record.
“We were down 0-2 and it’s hard to climb back because most of the teams are focused,” ani Austria.
Kasosyo ng San Miguel sa pang-limang puwesto ang Alaska at Phoenix sa magkakatulad nilang kartada sa ilalim ng Magnolia (3-0), Meralco (2-0), NLEX (4-1) at nagdedepensang Ginebra (3-1).
Muling babalik ang mga hostilidad sa Enero 5 tampok ang bakbakan ng Hotshots at Bossing sa alas-3 ng hapon at ang salpukan ng Bolts at Aces sa alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sasalang naman ang Beermen sa Enero 8 katapat ang Fuel Masters.
Samantala, nakahinga ng maluwag ang Gin Kings ukol sa knee injury ni point guar Stanley Pringle.
Ayon sa Ginebra, hindi ang kinatatakutang ACL injury ang tumama kay Pringle, hinirang na Best Player of the Conference noong 2020 Philippine Cup, na inaasahang magbabalik sa aksyon sa 2022.
- Latest