Santos sinapawan si Torres-Sunang
MANILA, Philippines — Umagaw ng eksena si dating national team mainstay Katherine Khay Santos nang kumubra ng dalawang gold medal sa pagsisimula ng 2021 Ayala Philippine Athletics Championships kahapon sa Baguio City Athletic Bowl.
Sinapawan ng 2013 Southeast Asian Games bronze medalist si four-time SEA Games gold medal winner Marestella Torres-Sunang sa women’s long jump event sa nilundag niyang 6.06 meters.
Ito rin ang naitala ng 40-anyos na si Torres-Sunang, ngunit nagawa niya ito sa kanyang fourth attempt kumpara sa first attempt ng 31-anyos na si Santos.
Itinakbo rin ng tubong Baguio City na si Santos ang ginto sa women’s 100m run sa kanyang bilis na 12.61 segundo.
Umaasa ang produkto ng University of Baguio na muli siyang makakabalik sa national team na naghahanda para sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Kumolekta rin ng dalawang gold medal si 2019 SEA Games champion Clinton Bautista mula sa men’s 100m at 110m hurdles sa kanyang mga tiyempong 10.86 segundo at 14.42 segundo, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang nanalo ng gintong medalya sa kanilang mga events ay sina Janry Ubas (men’s long jump), Edwin Giron (men’s 800m), Bernalyn Bejoy (women’s 800m), John Albert Mantua (men’s discus throw) at Daniella Daynata (women’s discus throw).
- Latest