Ancajas-Ioka fight kanselado
MANILA, Philippines — Kanselado ang unification bout nina reigning International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight champion Jerwin Ancajas at World Boxing Organization (WBO) junior bantamweight king Kazuto Ioka.
Aarangkada sana ang blockbuster fight nina Ancajas at Ioka sa Disyembre 31 sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo.
Subalit kinansela ito dahil sa bagong variant ng coronavirus disease (COVID-19) na Omicron.
Dahil sa Omicron variant, nagkaroon ng travel ban ang Japanese government sa lahat ng mga foreigners na papasok sa kanilang bansa.
Nakatakda sanang tumulak pa-Japan ang Team Ancajas sa Disyembre 11 ngunit hindi na ito matutuloy dahil sa panibagong anunsiyo.
Wala pang pormal na inihahayag ang kampo nina Ancajas at Ioka kung kailan gaganapin ang laban.
Posibleng sa unang bahagi ng 2022 na lamang ito idaos.
Excited na sana si Ancajas na makaharap si Ioka dahil matagal na itong pangarap ng Pinoy pug.
Subalit wala itong magawa kundi ang sumunod sa mga regulasyong ipinatutupad.
“Kung para naman sa ikabubuti ng lahat, sobrang nauunawan ko naman dahil hindi biro ang COVID-19 lalo na yung bagong variant,” ani Ancajas.
Ganito rin ang naging pananaw ni MP Promotions chief Sean Gibbons na mas maigi nang ligtas ang lahat bago isipin ang boksing.
- Latest