Isyu kina Obiena, PATAFA tatapusin na ng PSC
MANILA, Philippines — Gusto ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na kaagad maresolbahan ang sigalot nina national pole vaulter Ernest John Obiena at athletics president Philip Ella Juico.
Kaya isang Mediation Submission Agreement ang ibinigay ng PSC kina Obiena at Juico, presidente ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), bilang unang hakbang sa pag-aayos sa problema ng dalawa.
Inaasahan ni Ramirez na kapwa ito pipirmahan nina Obiena at Juico.
Sa oras na lagdaan ito nina Obiena at Juico ay sisimulan ng sports agency ang mediation process para sa pagkakasundo ng dalawang panig.
“I am worried about them both,” ani Ramirez kina Obiena, nasa training camp sa Formia, Italy, at Juico. “EJ is carrying this burden all alone overseas, away from family and friends. I am concerned about Mr. Juico’s health.”
Inakusahan ng PATAFA si Obiena ng pagsusumite ng dinoktor na liquidation report hinggil sa suweldo ni Ukranian coach Vitaly Petrov na nagkakahalaga ng 85,000 euros (higit sa P4.8 milyon).
Ipinasosoli ng athletics association ang nasabing pondo kay Obiena.
Mariin naman itong pinabulaanan ng Southeast Asian Games at Asian record holder at World No. 5 pole vaulter at nakahandang maglantad ng audit report.
- Latest