Ensayo ng student-athletes target masimulan na
MANILA, Philippines — Optimistiko ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) management committee na masisimulan na ang training ng mga student-athletes bago matapos ang taong ito.
Mismong si Commision on Higher Education (CHED) executive director Cinderella Filipina Jaro na ang nagkumpirma na inaasikaso na ng komisyon at NCAA ang magiging guidelines sa pagbabalik-ensayo ng mga atleta.
Pinaplantsa na ang lahat ng kakailanganin para masiguro na ligtas ang lahat ng student-athletes, coaches at officials na magpapartisipa sa ensayo.
“The resumption of training, it can be done within the year. It is already in the final stages and we’re just working on some additional provisions. But the overall framework has already been finalized and they should confirm with the CHED guidelines,” ani Jaro.
Hindi lamang ang NCAA ang inaasahang magbabalik-aksyon dahil kasabay na inaasikaso ng CHED ang request ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Nakasalalay ang lahat sa magiging resulta ng pilot testing sa implementasyon ng limitadong face-to-face classes sa iba’t ibang mga unibersidad.
Kung magiging matagumpay ito, posibleng mabigyan na rin ng go signal ang training ng mga student-athletes.
- Latest