Marcial handang lumaban sa birthday ni Pacquiao
MANILA, Philippines — Plano ni MP Promotions president Sean Gibbons na isama si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial sa isang pinaplanong boxing card para sa ika-43 kaarawan ni Sen. Manny Pacquiao sa Disyembre 17.
Ngunit nakasalalay pa ito sa sitwasyon ng bansa sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“Kung medyo lumawag na iyong restriction natin ngayon dito sa pandemic baka doon ako lalaban,” wika ni Marcial na pinapirma ng MP Promotions ni Pacquiao bilang isang professional middleweight fighter noong Hulyo ng 2020.
“Pero kung sakaling hindi ako makalaban doon baka after ng wedding siguro babalik na ako sa US para simulan na iyong ensayo ko,” dagdag nito.
Posibleng gawin ng 24-anyos na si Marcial ang kanyang ikalawang pro fight alinman sa Enero o Pebrero ng susunod na taon sa America.
Sa pro debut ng tubong Zamboanga City ay tinalo niya si American Andrew Whitfield via unanimous decision sa kanilang four-round bout noong Disyembre sa Los Angeles, California.
Tiniyak ni Marcial na muli niyang isusuot ang uniporme ng national team sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa 2022.
“Before pa ako pumirma ng kontrata sa MP Promotions, iyan na ang pinalagay ko na i-allow akong lumaban sa SEA Games, Asian Games, World Championships at Olympics dahil walang tutumbas sa kaligayahan ng isang atleta na lumaban ka dala-dala mo iyong bandera ng Pilipinas,” ani Marcial.
Isa si Marcial sa pitong national boxers na sumuntok ng gold medal noong 2019 SEA Games kasama sina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio (women’s featherweight) at Carlo Paalam (men’s flyweight).
- Latest