Bombita lumipat sa Cignal
MANILA, Philippines — Lalo pang nagpalakas ang Cignal HD matapos hugutin si scoring machine Graze Bombita para sa susunod na edisyon ng Premier Volleyball League (PVL).
Tuluyan nang nilisan ni Bombita ang BaliPure Purest Water Defenders para makasama ang magiging bagong pamilya nito sa kampo ng HD Spikers.
Malaki ang maitutulong ni Bombita lalo pa’t tunay na maaasahan ito sa scoring department.
Nasa Top 5 si Bombita sa top scorers ng liga sa nakalipas na PVL Open Conference kasama ang Water Defenders.
“Thankful ako sa Cignal management dahil sa tiwala nila sa akin. Pero nagpapasalamat din ako sa BaliPure na naging tahanan ko for years,” ani Bombita.
Pupunan ni Bombita ang nabakanteng puwesto ni outside hitter May Luna na nagpasyang lumipat sa Open Conference champion Chery Tiggo.
Makakasama ni Bombita sa opensa ng HD Spikers sina wing spikers Rachel Anne Daquis at Janine Marciano.
Nagtapos sa ilalim ng standings ang HD Spikers sa Open Conference tangan ang 1-8 marka.
- Latest