Sa huling quarterfinals slot Ginebra o Phoenix?
MANILA, Philippines — Iisa lang ang pakay ng nagdedepensang Barangay Ginebra at Phoenix --ang huling tiket para makasama sa eight-team quarterfinal round.
Paglalabanan ng Gin Kings at Fuel Masters ang No. 8 spot sa kanilang playoff game ngayong alas-4:35 ng hapon sa 2021 PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Pare-parehong nagtapos na may 4-7 record ang Ginebra, Phoenix at Terrafirma, ngunit nasibak ang Dyip dahil sa mas mababa nitong quotient.
Nabigyan ng tsansa ang Gin Kings na makasama sa quarterfinals nang talunin ng NorthPort Batang Pier ang sibak nang Alaska Aces, 122-94, kamakalawa.
Sa unang laro ay natalo ang Ginebra sa Meralco, 66-79.
“We’ve been given an unexpected reprieve so we want to do our best and take advantage of it,” sabi ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa kanyang Gin Kings.
Ang mananalo sa duwelo ng Ginebra at Phoenix ang haharap sa No. 1 TNT Tropang Giga na magdadala ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarters kagaya ng bitbit ng No. 2 Meralco kontra sa No. 7 NLEX.
Hindi pa rin makakalaro para sa tropa ni Cone sina forward Japeth Aguilar (MCL injury) at guard Scottie Thompson (health and safety protocols).
Tinalo na ng Gin Kings ang Fuel Masters, 94-87, kung saan sila bumangon mula sa 19-point deficit para agawin ang panalo noong Setyembre 15.
“The No. 8 spot won’t be given to us. We have to earn it,” wika ni Phoenix mentor Topex Robinson.
Sa best-of-three quarterfinals series ay magtutuos naman ang No. 3 Magnolia at No. 6 Rain or Shine at maghaharap ang No. 4 San Miguel at No. 5 NorthPort.
- Latest