Hotshots ipinasok ni Abueva sa Quarterfinals
SMBeer sa quarters na rin
MANILA, Philippines — Ipinasok ni Calvin Abueva ang Magnolia sa quarterfinal round matapos isalpak ang buzzer-beating basket para makaeskapo sa NorthPort, 90-89, sa 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Itinaas ng Hotshots ang kanilang record sa 7-3 para sumama sa TNT Tropang Giga (9-1) at Meralco Bolts (6-2) sa eight-team quarterfinals cast.
“That’s our goal today,” ani Magnolia coach Chito Victolero sa kanilang pag-abante sa quarters. “We talked about focus and at the same time what is at stake in this game.”
Ang panalo ang nagpalakas sa tsansa ng Hotshots para sa ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ incentive sa quarters.
Kumolekta si Abueva na may 15 points, 5 rebounds, 4 assists at 4 steals at humakot si big man Ian Sangalang ng game-high 26 markers at 10 boards para pamunuan ang Magnolia.
Nagdagdag sina Mark Barroca at Rome Dela Rosa ng tig-10 puntos, ang gumawa ng inbound para sa game-winning basket ni Abueva.
Nalasap naman ng NorthPort ang kanilang ikalawang sunod na kamalasan para sa 4-5 baraha.
Ibinigay ni Kevin Ferrer sa Batang Pier ang 89-88 abante sa huling 3.9 segundo na sinundan ng timeout ni Victolero para plantsahin ang play ng Hotshots kay Abueva sa nalalabing 2.6 segundo.
Sa ikalawang laro, umabante rin ang San Miguel Beermen sa quarters nang patumbahin ang Phoenix Fuel Masters, 110-80, tampok ang 24 points ni CJ Perez.
Nag-ambag si Moala Tautuaa ng 19 markers at may 18 at 16 points sina June Mar Fajardo at Arwind Santos, ayon sa pagkakasunod, para sa 6-3 marka ng Beermen at inihulog ang Fuel Masters sa 4-7.
- Latest