Brazilian coach pinanindigan ang ‘di pagpili kina Valdez, Morado
MANILA, Philippines — Mismong si Philippine national women’s coaching consultant Jorge Edson Souza de Brito ng Brazil ang nag-itsapuwera kina volleyball stars Alyssa Valdez at Jia Morado para sa 25-member training pool.
Ang national pool na hinati sa dalawang koponan ang isasabak ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa 2021 AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Oktubre 1-7 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
“I made it clear that I need some fresh players, younger and taller. I think you have here all the best (players),” wika kahapon ni Souza de Brito sa online session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
Ito ang unang pagkakataon na hindi magiging miyembro ng national team si Valdez matapos noong 2015 SEA Games.
Hindi nakadalo sina Valdez at Morado sa idinaos na tryouts sa Subic noong Abril at hindi rin sila inimbitahan na sumama sa training pool kumpara sa mga idinagdag na sina Kalei Mau, Kianna Dy at Dawn Macandili at iba pa.
Bagama’t hindi naka-attend sa nasabing tryouts ay inilista pa rin sa national pool sina Mau, Dy, Macandili, Tin Tiamzon, Rhea Dimaculangan, Dindin Santiago-Manabat, MJ Phillips, Kat Tolentino, Jema Galanza at Deanna Wong.
“It was out of my hands kasi hindi na ako iyong namili nun,” wika ni national women’s team coach Odjie Mamon.
- Latest