Santiago nasa Japan na!
MANILA, Philippines — Dumating na sa Tokyo, Japan si reigning PVL Season at Finals MVP Jaja Santiago para makasama ang Saitama Ageo Medics sa paghahanda nito para sa Japan V.League.
Subalit bago makapag-training, sasailalim muna ang dating National University standout sa quarantine protocols.
Maagang umalis ang 6-foot-5 middle blocker dahil sa bagong patakarang ipinatutupad ng Japanese government para sa mga foreign imports na naglalaro sa Japan.
Sa unang dalawang linggo lamang ng Setyembre maaaring pumasok ang lahat ng mga imports para sumailalim sa quarantine protocols.
Ang lahat ng mga hindi darating sa naturang deadline ay hindi na pahihintulutan pang makapasok.
Kailangan pa nitong maghintay ng panibagong window ng pagpasok ng mga imports na nakatakda sa Disyembre ng taong ito.
Bago umalis, nakapagdiwang pa si Santiago ng kaarawan ng partner nitong si Maika Ortiz noong isang araw.
Sa kabilang banda, kumpleto na ang 14-day quarantine ni Juan Gomez de Liano sa Japan upang tuluyan nang makasama ang kanyang tropa para sa Japan B.League.
Maglalaro si Gomez de Liano para sa B.League Division II team Earth Friends Tokyo Z.
- Latest