4 Tokyo Olympics medalists natanggap na ang cash incentives kay Duterte
MANILA, Philippines — Ang tagumpay nina Tokyo Olympics medalists Hidilyn Diaz ng weightlifting, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Felix Marcial at boxing ang magsisilbing motivation para sa mga bagitong atleta at mga kabataan na magpursige.
Ito ang isa sa mga pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang personal na pagbibigay ng cash incentives, bonus at medalya kina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial sa isang courtesy call noong Lunes ng gabi sa Malacañang.
“Your success will continue to motivate many aspiring athletes and our Filipino youth to channel their energies into sports and other productive activities, keeping them away from the harmful vices,” wika ng Presidente.
Ibinigay ng Pangulong Duterte kay Diaz, tinapos ang 97-taong paghihintay ng Pinas para sa kauna-unahang Olympic gold medal, ang P15 milyong cash incentives mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR, isang housing unit sa Zamboanga City at bonus na P3 milyon buhat sa Office of the President.
Iginawad din sa 30-anyos na si Diaz ang Presidential Medal of Merit.
Bilang mga silver medalists ay tinanggap nina Petecio at Paalam ang tig-P5 milyong insentibo, tig-isang housing unit at P2 milyon buhat sa Office of the President.
May P2 milyon si Marcial sa kanyang pagiging bronze medalist bukod pa ang isang housing unit at bonus na P1 milyon mula sa Pangulong Duterte.
Samantala, natanggap na rin ni Diaz ang P10 milyon bonus mula kay SMC president Ramon S. Ang.
- Latest