Casimero tinakbuhan ni Rigondeaux WBO belt sa pinoy pa rin
MANILA, Philippines — Nakuha ni John Riel Casimero ang split decision win laban kay Cuban pug Guillermo Rigondeaux upang matagumpay na madepensahan ang kanyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt kahapon sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Nakuha ni Casimero ang boto ng dalawang hurado na nagrehistro ng kumbinsidong 116-112 at 117-111 desisyon ngunit kapuna-punang pumabor kay Rigondeaux ang ikatlong hurado na may naitalang 115-113 sa scorecard.
Dismayado si Casimero na makuha ang target sana nitong third-round knockout win matapos tumakbo ng tumakbo si Rigondeaux sa buong panahon ng laban.
“I was excited because he’s a good fighter and he’s said he was not going to run. I was focused on getting the knockout but Rigondeaux but he just kept on running,” ani Casimero.
Sa kabila ng hindi magandang laban, mabilis na nag-move on si Casimero na sesentro na ang atensiyon sa posibleng pakikipagtuos kina WBC bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire at WBA/IBF bantamweight king Naoya Inoue.
Maraming boxing fans ang hindi natuwa sa ipinakita ni Rigondeaux.
Base sa compubox, tanging 44 suntok lamang ang kumunekta sa binitawan ni Rigondeaux sa buong panahon ng 12-round fight.
Nang tanungin ito tungkol dito isa lamang ang naisagot ng Cuban: “That’s the necessary amount of punches that I needed to win this fight.”
Kaliwa’t kanan pa ang patutsada ni Rigondeaux sa kanyang Twitter account matapos ang laban kung saan ipinagsigawan pa nitong hindi siya napabagsak ni Casimero.
Iginiit pa ni Rigondeaux na hindi nito kinikilala si Casimero bilang world champion.
Tanging si eight-division world champion Manny Pacquiao lamang ang inirerespeto nitong Pinoy boxer.
- Latest