Sultan wagi rin via 7th round TKO
MANILA, Philippines — Maliban sa tagumpay ni WBO bantamweight champion John Riel Casimero, nagbigay din si Jonas Sultan ng dahilan para makisalo sa selebrasyon.
Umeksena si Sultan sa undercard matapos itarak ang seventh-round knockout win kay Sharone Carter kahapon sa Dignity Health and Sports Park sa Carson, California.
Nagawa ito ni Sultan matapos magpakawala ng malulupit na atake upang pigilan si Carter may dalawang minuto at 29 segundo pang nalalabi.
Umangat ang rekord ni Sultan sa 15-5 kabilang ang siyam na knockouts.
Bagsak naman si Carter sa 12-5 kasama ang tatlong KO wins.
Ito ang unang pagsalang ni Sultan matapos ang dalawang taong pagkakatengga dahil sa pandemya.
Huli itong nasilayan sa aksyon noong 2019 nang lumasap ito ng unanimous decision loss kay Athenkosi Dumezweni ng South Africa sa labang ginanap sa Orient Theatre sa South Africa.
Si Sultan ang regular sparring partner ni reigning International IBF junior bantamweight champion Jerwin Ancajas sa Wild Card Gym.
- Latest