2021 Vietnam Sea Games ‘di tuloy!
MANILA, Philippines — Para sa kaligtasan ng nakararami ay nagkaisa ang 11 miyembro ng Southeast Asian Games na ipagpaliban ang pagdaraos ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ngayong taon.
“The SEAG Federation unanimously decided not to hold the SEA Games this year due to COVID-19,” sabi kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino. “Iyon ang naging desisyon. Wala po muna tayong SEA Games.”
Orihinal na nakatakda ang Vietnam SEA Games sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.
Nauna nang nakiusap ang Vietnam na gawin ang SEA Games sa Hulyo ng susunod na taon kung saan inaasahang tapos na ang pandemya.
“It’s not cancelled but the decision is no SEAG this year. But they will decide again a couple of weeks from now,” ani Tolentino sa pagbibigay ng SEAG Federation ng 10-day extension sa Vietnam para magdesisyon kung kailan nito gagawin ang biennial event.
Ikinunsidera ng SEAG Federation ang paglobo ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Southeast Asia.
Nakaranas ng COVID-19 surges ang mga SEAG members na Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand, Singapore, Cambodia, Myanmar, Brunei, Laos at Timor Leste.
- Latest