Clippers, Hawks puro na sa Conference Finals
NEW YORK — Lumapit ang Los Angeles Clippers at Atlanta Hawks sa silya sa conference finals matapos angkinin ang 3-2 bentahe sa kani-kanilang semifinals series.
Sa Salt Lake City, kumolekta si Paul George ng 37 points, 15 rebounds at 5 assists para akayin ang Clippers sa 119-111 panalo sa Utah Jazz sa Game Five ng kanilang NBA Western Conference semifinals duel.
Inagaw ng Los Angeles ang 3-2 bentahe sa kanilang bakbakan ng Utah sa kabila ng hindi paglalaro ni Kawhi Leonard na may knee injury.
Nag-ambag si Marcus Morris Sr. ng 25 markers.
Kumonekta ang Utah ng 12 three-point shots sa first half bago sila napigilan sa second half.
Binanderahan ni Bogdan Bogdanovic ang Jazz sa kanyang 32 points kasama ang siyam na tres habang tumipa si Donovan Mitchell ng 21 markers, 5 rebounds at 5 assists.
Sa Philadelphia, bumangon ang Hawks mula sa 26-point deficit sa first half para takasan ang 76ers, 109-106, sa Game Five ng kanilang Eastern Conference semis duel.
Kumamada si Trae Young ng playoff-career-high 39 points para pangunahan ang Atlanta kasunod ang 19, 16 at 15 markers nina John Collins, Danilo Gallinari at Lou Williams, ayon sa pagkakasunod.
Humakot si Joel Embiid ng 37 points, 13 boards at 5 assists sa panig ng Philadelphia at may 36 markers si Seth Curry.
- Latest