Suns dikit na sa sweep
DENVER, Philippines — Inilapit ng Phoenix Suns ang kanilang sarili para sa posibleng sweep at pagpasok sa Western Conference Finals.
Umiskor si Devin Booker ng 28 points at naglista si Chris Paul ng 27 points, 8 assists at 3 steals sa 116-102 panalo ng Suns sa Nuggets sa Game Three at ilista ang 3-0 lead sa kanilang semifinals series.
Huling umabante ang Phoenix sa Western Conference Finals noong 2009-2010 season.
Nadiskaril naman ang MVP celebration ni Nikola Jokic sa pagkakabaon ng Denver sa 0-3 sa serye.
Humakot si Jokic ng triple-double sa kanyang 32 points, 20 rebounds at 10 assists sa panig ng Nuggets kasunod ang 21 markers ni Monte Morris mula sa bench.
Sa Philadelphia, inagaw ng 76ers ang 2-1 bentahe sa kanilang Eastern Conference semifinal duel matapos angkinin ang 127-111 tagumpay sa Game Three.
Kumolekta si Joel Embiid ng 27 points, 9 rebounds, 8 assists at 3 blocked shots para sa Philadelphia bagama’t may cartilage tear sa kanyang kanang tuhod.
Nag-ambag si Tobias Harris ng 22 points habang may 18 markers si Ben Simmons para sa ikalawang sunod na panalo ng 76ers sa serye at tinapos ang 13-game home winning streak ng Hawks.
Pinangunahan ni Trae Young ang Atlanta sa kanyang 28 points kasunod ang 23 markers ni John Collins at may 18 points si Bogdan Bogdanovic.
- Latest