Pacquiao kabisado ang estilo ni Spence
MANILA, Philippines — Siniguro ni eight-division world champion Manny Pacquiao na alam nito ang kanyang pinapasok.
Kaya naman bago pa ikasa ang laban, pinag-aralan muna ng Pinoy champion ang estilo ni Errol Spence Jr. upang masiguro na handa ito sa bakbakan.
Magtutuos sina Pacquiao at Spence sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada kung saan itataya ng American fighter ang kanyang World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight belts.
Parehong kaliwete sina Pacquiao at Spence.
“Pinag-aralan ko ng husto yung style niya,” ani Pacquiao.
Pinanood ng personal ni Pacquiao ang laban nina Spence at Mikey Garcia noong 2019 sa Arlington, Texas kung saan nanalo si Spence via unanimous decision.
Napanood din ni Pacquiao ang huling laban ni Spence kontra kay Danny Garcia noon namang Disyembre 2020 sa parehong venue na nagresulta ng katulad na unanimous decision.
Bagama’t kabisado na ni Pacquiao ang estilo ni Spence, walang puwang ang salitang kumpiyansa dahil aminado ang Pinoy champion na isa ito sa pinakamalaking challenge sa kanyang boxing career.
- Latest