Pinoy karatekas handa nang sumabak sa Olympic qualifying sa Paris
MANILA, Philippines — Bagama’t mabigat ang kompetisyon ay naniniwala pa rin ang Karate Pilipinas Sports Federation, Inc. (KPSFI) sa kakayahan ng walong national karatekas na makasikwat ng tiket para sa 2021 Olympic Games.
Halos tatlong buwan nagsanay ang mga national karatekas sa bubble training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago nagtungo sa Istanbul, Turkey para paghandaan ang Olympic qualifying tournament sa Paris, France.
“I would say never pa akong naging confident sa mga players natin na talagang kitang-kita kong napakalaki ng pagbabago nila in terms of strength and conditioning, in terms of stamina, in terms of techniques,” ani KPSFI president Richard Lim.
Nakatakda ang Olympic qualifying sa Paris sa Hunyo 11-13.
Pupuntirya ng Olympic berth sina 2019 SEAG gold medalist Jamie Lim, Fil-Am Joane Orbon, Ivan Agustin, Shariff Afif, Joco Vasquez, Sarah Pangilinan at Jason Macaalay.
Nakatakda namang dumating bukas sa kapitolyo ng France si 2019 SEA Games gold medal winner Junna Tsukii, kumuha ng gold medal sa nakaraang World Karate Federation (WKF) Premier League sa Lisbon, Portugal.
Ang top three karatekas sa bawat weight category ang magku-qualify sa 2021 Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
“Once you reach the semifinals, ang matatalong isa will go to the repechage first and finally, when they get the bronze the top four will fight for the round robin,” paliwanag ni Lim sa tournament format.
- Latest