National surfers bigo sa Olympic slot
MANILA, Philippines — Sumabay sa paghupa ng alon ang pag-asa ng six-man Philippine surfing team na makakuha ng Olympic Games berth.
Nabigo sina 2019 Southeast Asian Games gold medalist Nilbie Blancada, SEA Games silver medalist Jay-R Esquivel, SEA Games bronze medalist Daisy Valdez, SEA Games bronze medalist John Mark ‘Marama’ Tokong, Edito ‘Piso’ Alcala Jr. at rookie Vea Estrellado sa sinalihang 2021 ISA World Surfing Games sa El Sunzal, El Salvador.
Kabuuang 12 tiket ang nakataya sa surfing competition para sa 2021 Olympics na idaraos sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
“Maraming salamat sa tiyaga pagbibigay ng pagod, luha, pawis sakripisyo para sa inang bayang Pilipinas,” sabi ni national head coach Ian Saguan sa mga national surfers. “Bilang saksi sa lahat ng dinanas niyong gyera. Isa kayong tunay na Pilipino talaga.”
Unang nasibak si Estrellado sa Heat 84 na sinundan nina Valdez, Esquivel, Alcala, Tokong at Blancada sa repechage rounds.
Dalawang gold medals ang inangkin ng mga Pinoy surfers noong 2019 Philippine SEA Games bukod pa sa dalawang silver at tatlong bronze medals.
Si Blancada ang nagreyna sa women’s shortboard event habang si Roger Casugay ang nanguna sa men’s longboard.
- Latest