Jazz, 76ers at Hawks ikinasa ang semis
NEW YORK - Kapwa sinibak ng Utah Jazz, Philadelphia 76ers at Atlanta Hawks ang kani-kanilang mga karibal para umabante sa semifinal round.
Sa Salt Lake City, umiskor si Donovan Mitchell ng 26 sa kanyang 30 points sa first half sa 126-110 pagpapatalsik ng Jazz sa Memphis Grizzlies sa Game Five ng kanilang Western Conference first-round playoffs series.
Tinapos ng Utah ang kanilang serye ng Memphis sa 4-1 at haharapin sa semis ang mananalo sa pagitan ng Dallas Mavericks at Los Angeles Clippers.
Tumipa si Fil-Am at NBA Sixth Man of the Year Jordan Clarkson ng 24 points habang may 23 markers at 15 boards si Rudy Gobert para sa ikaapat na sunod na panalo ng top-seeded Jazz.
Sa Philadelphia, kumamada si Seth Curry ng playoff career-high 30 points sa 129-112 pagsibak ng 76ers sa Washington Wizards sa kanilang Eastern Conference series.
Nag-ambag si Tobias Harris ng 28 points at kumolekta si Ben Simmons ng triple-double sa kanyang 19 points, 11 assists at 10 rebounds para sa 4-1 pagligpit ng Philadelphia, naglaro na wala si Joel Embiid (knee injury), sa Washington.
Lalabanan ng 76ers sa semis ang Hawks.
Sa New York, nagpasabog si Trae Young ng 36 points at pumitas si Clint Capela ng 14 points at 15 rebounds sa 103-89 paggupo ng Hawks sa Knicks patungo sa semis.
Ito ang unang semis stint ng Atlanta sapul noong 2016.
Magsisimula ang semis series ng Hawks at 76ers sa Linggo.
Sa Los Angeles, tumapos si Luka Doncic na may 42 points, 14 assists at 8 boards sa 105-100 pagdaig ng Mavericks sa Clippers para sa kanilang 3-2 bentahe sa serye.
Pinangunahan ni Paul George ang Clippers sa kanyang 23 markers, 10 boards at 6 assists.
- Latest