Inoue dadaan muna kay Dasmarinas
MANILA, Philippines — Daraan muna sa mga kamao ni Michael Dasmarinas si WBA at IBF bantamweight champion Naoya Inoue bago ito makakuha ng mega fight laban kina Nonito Donaire at John Riel Casimero.
Magtutuos sina Dasmarinas at Inoue sa Hunyo 19 (Hunyo 20 sa Maynila) sa Virgin Hotel sa Las Vegas, Nevada.
Puntirya ni Dasmarinas na madug-tungan ang impresibong panalo ni Donaire nang itala nito ang fourth round knockout win kay Nordine Oubaali para maagaw ang WBC bantamweight belt noong Linggo.
Kaya naman pukpukan na rin ang ensayo ni Dasmarinas sa Wild Card Gym sa Hollywood, California para paghandaan ang laban.
Ikinakasa na ng kampo ni Dasmarinas ang game plan laban kay Inoue.
“To beat Inoue, I have to make sure I am at least a level above him and fight with speed, power and precision. I am going out there to give him a good fight and win and I am putting in the necessary work to get that result,” ani Dasmarinas sa panayam ng NY Fights.
Makailang beses na pinanonood ni Dasmarinas ang mga laban ng Japanese pug upang lubos na mapag-aralan ang galaw nito.
Sa katunayan, noong nagsasanay pa ito sa Hardstone Aris Monis Boxing Gym sa Bangar, La Union ay kinuha ng grupo ni Dasmarinas bilang sparring partner si KJ Cataraja, isa sa mga naging sparring partners ni Inoue noong naghahanda ito sa kanyang mga nakalipas na laban.
Kaya naman alam ni Cataraja ang estilo at galaw ng Japanese pug na ibinahagi nito kay Dasmarinas.
Handa si Dasmarinas na ibuhos ang lahat upang maihilera sa listahan ng mga Pinoy world champions.
- Latest