Eala, Russian partner pasok sa Finals
MANILA, Philippines — Mabilis na tinapos nina Pinay tennis sensation Alex Eala at Oksana Selekhmeteva ng Russia ang kanilang semifinals match nina Isabelle Haverlag at Suzan Lamens ng Netherlands nang kunin ang 6-3, 6-1 panalo papasok sa finals ng W25 Platja D’ Aro kahapon sa Spain.
Itiniklop ng 15-anyos na si Eala at ng 18-anyos na si Selekhmeteva ang kanilang laban nina Haverlag at Lamens sa loob ng 56 minuto.
Sasagupain nina Eala, umangat sa No. 660 sa pinakabagong listahan ng Women’s Tennis Association (WTA) singles, at Selekhmeteva (WTA No. 528) para sa korona sina sina Oana Simion (WTA No. 416) ng Romania at Justina Mikulskyté (WTA No. 445) ng Lithuania.
Ito ang unang doubles pro tournament ni Eala matapos angkinin ang una niyang singles pro title sa W15 Manacor sa Spain noong Enero.
Nauna nang sinibak nina Eala at Selekhmeteva sina tournament top seeds Sofya Lansere at Vlada Koval ng Russia, 6-3, 2-6, 12-10, sa quarterfinals.
Samantala, sa singles main draw ay napatalsik naman si Eala sa second round matapos makalasap ng 2-6, 4-6 pagkatalo kay homebet Irene Burillo Escorihuela.
- Latest