Kouame Pinoy na!
Naturalization pirmado na ni duterte
MANILA, Philippines — Isa nang ganap na Pilipino si Angelo Kouame.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturalization nito kahapon sa ilalim ng House Bill No. 8632.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa lahat ng tumulong para maisakatuparan ito.
“The Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) is elated to announce that Angelo Kouame’s Filipino naturalization is now official. The SBP extends our appreciation to President Rodrigo Duterte for signing it into law and Executive Secretary Salvador Medialdea and Senator Bong Go for their assistance,” ani SBP president Al Panlilio.
Masaya rin si Kouame nang ianunsiyo nito sa kanyang social media account ang pagkaka-apruba sa kanyang naturalization na nagsabing “Pre, Filipino ako.”
“We thank our SBP Chairman, Senator Sonny Angara, along with Senators Joel Villanueva and Richard Gordon for filing the bill in the Senate and our Vice Chairman, Congressman Robbie Puno, for authoring the bill in the House of Representatives,” dagdag ni Panlilio.
Umaasa ang SBP na makapaglalaro si Kouame sa FIBA Asia Cup Qualifying Tournament na gaganapin sa Hunyo 16 hanggang 20 sa Clark, Pampanga.
Kailangan na lamang ng SBP na makakuha ng clearance mula sa FIBA para maipormalisa ang pagiging miyembro nito ng national team ng Pilipinas.
Sa oras na mabigyan ito ng go signal, awtomatiko nang makapaglalaro si Kouame sa lahat ng FIBA-sanctioned tournaments kabilang na ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin naman sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.
“Although Kouame’s presence is crucial for these two tournaments (Asia Cup Qualifiers and Olympic Qualifying Tournament), having him as an official member of the squad in the upcoming games is an early investment as we build towards the 2023 FIBA Basketball World Cup,” ani Panlilio.
Malaki ang maitutulong ni Kouame sa Gilas Pilipinas lalo pa’t hindi available si naturalized player Andray Blatche na kasalukuyang nasa Amerika.
Wala ring PBA players na kasama sa Gilas pool kung saan mga dating miyembro ng Gilas Cadets at collegiate players ang isasabak sa dalawang FIBA tournaments.
- Latest