SBP kumikilos para sa pagbabalik ni Sotto
MANILA, Philippines — Desidido ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na muling ibalik si Kai Sotto para makapag-ensayo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kasama ang Gilas Pilipinas pool.
Bukas ang komunikasyon ng SBP at East West Private (EWP) para maplantsa ang lahat sa pagbabalik ni Sotto sa Calambubble. Ang EWP ang humahawak sa mga aktibidad ni Sotto.
Inaabangan na ang pagdating ni Sotto sa Calambubble. Isa sa requirement ni SBP program director Tab Baldwin ang magkaroon si Sotto ng mahabang ensayo sa Gilas.
“Kai has the passion to play for Gilas. Without being able to give specifics, we’re all working towards that. The final dates, the final decisions, but they haven’t been made so there’s nobody that can give you those,” ani Baldwin.
Hangad ng SBP na makasama si Sotto sa training camp ng isang buwan bago ang aktuwal na mga laro upang makabuo ito ng chemistry sa kanyang mga katropa.
Lalarga ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa Hunyo 16 hanggang 20 sa Clark, Pampanga habang idaraos naman ang FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.
“Obviously, in Kai’s heart, he wants to put the flag on his chest and really represent the country. But we also want him not to come too late. The reason why we embarked on this cadet program is to have some sort of continuity and we can practice longer together,” ani SBP president Al Panlilio.
Nasa loob na ng Calambubble ang 19 players na inimbitahan ng SBP para mapasama sa Gilas Pilipinas pool kung saan tanging si Filipino-American Dwight Ramos na lamang ang hinihintay na kasalukuyan pang nasa Amerika at inaasahang darating ngayong linggo.
“We want as much time as we can have with Kai, maybe a month before all the competitions start, hopefully,” dagdag ni Panlilio.
- Latest