Ancajas ayaw pakampante
MANILA, Philippines — Walang puwang ang pagiging kampante para kay International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas para sa title defense nito kay Mexican challenger Jonathan Rodriguez sa Sabado (Linggo sa Maynila) sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Handang-handang handa na si Ancajas para sa laban.
Sa katunayan, nang tanungin ito ilang araw bago ang laban, hindi Perfect 10 ang naisagot nito.
“Para sa akin nine lang kasi sinasabi parati namin sinasabi na handang-handa na kami pero yung one dun ‘yun yung kumpiyansa. huwag mag-kumpiyansa sa laban yung over confident,” ani Ancajas.
Hindi birong kalaban si Rodriguez.
Galing ito sa dalawang sunod na knockout wins laban kina Julian Yedras noong Disyembre 4, 2020 at Felife Orucuta noong Hunyo 7, 2019.
Alam ni Ancajas ang pinagdaanan ni Rodriguez dahil nakikita niya ito sa post ng Mexican fighter sa social media.
“Naka-focus talaga ako sa laban na ito dahil nakikita ko yung post niya sa Facebook, meron din silang dietitian tapos may weekly medical pa sila. Yung physical condition niya, handang handa siya,” ani Ancajas.
Ganito rin ang pagsasalarawan ni trainer/manager Joven Jimenez kay Rodriguez na isang Mehikanong may dugong palaban.
Patay kung patay ika nga.
Kaya naman nakahanda na ang game plan ng Team Ancajas para dito.
Dumating na sa Connecticut ang Team Ancajas kung saan hinihintay na lamang ng grupo ang resulta ng swab test bago makalabas sa kanilang quarantine room.
- Latest