Ancajas sunod na sasalang
MANILA, Philippines — Muling iwawagayway ang bandila ng Pilipinas sa mundo ng boksing dahil sunod na sasalang si International Boxing Federation (IBF) super flyweight Jerwin Ancajas.
Nakatakdang depensahan ni Ancajas ang kanyang world title laban kay Mexican challenger Jonathan Rodriguez sa Abril 10 (Abril 11 sa Maynila) sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Wala nang tigil sa ensayo si Ancajas para masundan ang tagumpay ni Donnie Nietes na sariwang-sariwa pa sa pagkopo ng World Boxing Organization (WBO) international super flyweight belt kahapon.
Hindi maitago ni Ancajas ang excitement nito na sumalang sa bakbakan matapos makailang ulit na maudlot ang title defense nito dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“Focus lang ako sa laban hindi ko masyadong iniisip ‘yung mga nangyayari sa labas para walang distraction. Matagal din po akong hindi nakalaban kaya excited na talaga ako,” ani Ancajas.
Kaya naman matinding pag-iingat na rin ang ginagawa nito upang maiwasang makakuha ng COVID-19 ilang araw bago ang laban.
Nagpapatupad ang coaching staff nito ng mahigpit na health protocols ang buong Team Ancajas partikular na sa training camp nito.
- Latest