National jiu jitsu artists kating-kati nang mag-ensayo
MANILA, Philippines — Kumpiyansa si 2019 Southeast Asian Games gold medalist Margarita Ochoa na maibabalik ang jiu jitsu activities sa gitna ng kinakaharap na coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“I think makakabalik naman it’s just a question of when. Hindi natin alam kung kailan pero ang sport namin is very flexible, nag-a-adjust iyan sa mga sitwasyon,” wika ni Ochoa.
Isa ang jiu jitsu sa 40 sports events na lalaruin sa 2021 SEA Games na pamamahalaan ng Hanoi, Vietnam sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.
Umaasa si Ochoa, inangkin ang gintong medalya sa women’s under-45kg division ng 2019 Philippine SEA Games, na mabibigyan din ang mga national athletes ng vaccines para sa COVID-19.
Para makapagdaos ng ensayo ay plano ng Jiu jitsu Federation of the Philippines (JFP) na ipasok ang kanilang mga atleta sa isang ‘bubble’ training.
“There are talks of having a bubble training pero wala pang concrete plans for now,” ani Ochoa sa JFP na kumolekta rin ng apat na gold noong 2019 SEA Games.
Dalawang babae at apat na lalaki ang magiging delegasyon ng JFP sa 2021 Vietnam SEAG.
- Latest