NCAA season 96 tuloy! — Fr. Calvo
Bibili ng COVID-19 vaccine para sa atleta, opisyales
MANILA, Philippines — Tuluy na tuloy na ang pagbubukas ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Mayo para sa kanilang Season 96 mayroon man o walang COVID-19 vaccines.
Ito ang sinabi kahapon ni NCAA Management Committee (ManCom) chairman Fr. Vic Calvo Jr. ng host Colegio de San Juan de Letran sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum online.
“If we’re not allowed then we’ll go online. Creative naman tayo eh,” wika ni Calvo. “Hindi naman tayo nagi-give up because the NCAA embodies the Filipino resiliency and perseverance lalung-lalo na sa sports.”
Dahil sa COVID-19 pandemic ay kinansela ng NCAA ang kanilang Season 95 noong nakaraang taon.
Plano ng NCAA na buksan ang kanilang Season 96 sa pamamagitan ng pagdaraos ng online chess, taekwondo at poomsae sa gitna ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Ipinapanukala rin ng liga sa Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd) at Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF) ang pagsasagawa ng basketball, volleyball at beach volleyball.
“For sure, at least dalawa o apat na hybrid and online competitions ang inihahanda ng NCAA,” ani Calvo na tinitingnan ang online slam dunk at skills challenge kapalit ng tradisyunal na 5-on-5 basketball games.
Samantala, hiningi ng NCAA ang tulong ni Emilio Aguinaldo College president at league policy board member Dr. Jose Paulo Campos para makakuha ng bakuna.
“We were told by Dr. Campos it (Covovax) will be available by May, so we have to start falling in line,” ani Calvo kay Campos na ang pamilya ay co-owner ng Unilab na distributor ng Covovax COVID-19 vaccine brand. “The terms are okay and EAC as member of the NCAA will also help us.”
Kung mangyayari ito ay sasagutin ng NCAA ang COVID-19 vaccines para sa mga atleta at opisyales.
- Latest