Lakers dinispatsa ang Hornets; Jazz nawalan ng tono sa Wizards
LOS ANGELES — Kumolekta si LeBron James ng 37 points, 8 rebounds at 6 assists para tulungan ang nagdedepensang Lakers sa 116-105 pagpapabagsak sa Charlotte Hornets.
Nag-ambag si guard Dennis Schröder ng 22 points at 7 assists para sa ikaapat na sunod na pananalasa ng Los Angeles (28-13).
Pinamunuan ni rookie guard LaMelo Ball ang Charlotte (20-20) sa kanyang 26 points at 7 assists.
Sa Washington, nagpasabog si Bradley Beal ng 43 points at ipinoste ni Russell Westbrook ang kanyang ika-13 triple-double sa season para igiya ang Wizards (15-25) sa 131-122 paggitla sa Utah Jazz (29-11).
Sa Portland, umiskor si Damian Lillard ng 21 sa kanyang 36 points sa first period para pamunuan ang Trail Blazers (24-16) sa 101-93 paggupo sa New Orleans Pelicans (17-24).
Sa Atlanta, tumipa sina Trae Young at Bogdan Bogdanovic ng tig-23 points para sa 116-93 pagdagit ng Hawks (21-20) sa Oklahoma City Thunder (17-24).
Sa New York, inilista ni Julius Randle ang kanyang ikatlong triple-double sa season sa tinapos na 18 points, 17 assists at 10 boards sa 94-93 paglusot ng Knicks (21-21) sa Orlando Magic (13-27).
- Latest