Knights tumabla sa Tigers
MANILA, Philippines — Hindi na hinayaan ng nagdedepensang San Juan Knights na malusutan sila ng Davao Occidental Tigers.
Binalikan ng Knights ang Tigers sa Game two, 70-65, para itabla sa 1-1 ang kanilang championship series sa MPBL Lakan Season National Finals kahapon sa Subic Bay Gym.
Kumolekta si guard Mike Ayonayon ng 15 points, 9 assists at 2 rebounds para banderahang muli ang koponan ni coach Randy Alcantara.
Nakabawi ang San Juan mula sa 75-77 overtime loss sa Game One noong Miyerkules sa kanilang best-of-five titular showdown ng Davao Occidental.
Kinailangan ng Knights na burahin ang 50-43 abante ng Tigers sa huling limang minuto ng third period matapos maghulog ng 17-2 bomba sa likod ni Ayonayon para sa kanilang 60-52 kalamangan sa gitna ng fourth quarter.
Nakalapit ang Tigers sa 60-64 sa pangunguna ni Eman Calo habang ang jumper ni Larry Rodriguez ang nagtaas sa San Juan sa 66-60 sa huling 1:28 minuto ng labanan.
Sinelyuhan naman ni Jhonard Clarito ang tagumpay ng Knights matapos isalpak ang dalawang foul shots sa nalalabing 1.2 segundo ng bakbakan.
- Latest