National karatekas lalabas ng Calambubble
Para sa training camp sa Istanbul
MANILA, Philippines — Matapos ang national boxing team, ang national karatedo squad naman ang lalabas ng bubble training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Nakatakdang magtungo ang mga national karatekas sa Istanbul, Turkey sa susunod na linggo para sa kanilang training camp bilang paghahanda sa lalahukang Olympic Games qualifying tournament.
Pamumunuan ni 2019 Southeast Asian Games gold medalist Jamie Lim ang koponan kasama sina Ivan Agustin, Shariff Afif, Alwyn Batican at Jason Macaalay.
Magkikita sila sa Istanbul nina 2019 SEA Games gold medal winner Junna Tsukii at Fil-Am Joane Orbon na magmumula sa Japan at United States, ayon sa pagkakasunod.
Nakatakda ang pinakahuling Olympic qualifying sa Hunyo sa Paris, France.
Nauna nang lumabas ng Calambubble ang national boxing squad na pinamumunuan nina 2019 SEAG gold medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, kapwa umaasang makakasuntok ng Olympic ticket sa Tokyo, Japan.
Nagtungo ang grupo sa Thailand bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo at SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre.
Maliban sa national boxing at karatedo teams ay nasa Calambubble rin ang mga national taekwondo jins na naghahanda para sa Olympic qualifying tournament.
Sasabak ang national jins squad sa Olympic qualifying event sa Mayo 14-15 sa Amman, Jordan.
- Latest