Valanciunas humataw sa panalo ng Grizzlies
MEMPHIS — Humataw si big man Jonas Valanciunas ng season-high 29 points at dinuplika ang kanyang season-best 20 rebounds para sa 127-112 paggiba ng Grizzlies sa Washington Wizards.
Nagdagdag si Ja Morant ng 21 points at 10 assists para sa Memphis (17-16) habang tumipa si rookie Desmond Bane ng season-high 20 markers.
Pinangunahan ni Bradley Beal ang Washington (14-21) sa kanyang 21 points at may 20 at tig-13 markers sina Russell Westbrook, Davis Bertans at Deni Avdija, ayon sa pagkakasunod.
Sa Dallas, ipinoste ni star guard Luka Doncic ang kanyang ika-33 triple-double at kumolekta si forward Kristaps Porzingis ng 28 points at 14 rebounds para sa 115-104 panalo ng Mavericks (19-16) sa San Antonio Spurs (18-15).
Tumapos si Doncic na may 22 points, 12 rebounds at 12 assists para sa Dallas na humataw ng 17-4 bomba sa dulo ng fourth period para pabagsakin ang San Antonio.
Binanderahan ni DeMar DeRozan ang Spurs sa kanyang 30 points, 11 assists at 4 steals at may 14 at 13 markers sina Patty Mills at Rudy Gay, ayon sa pagkakasunod.
Bago ang laro ay inihayag ni San Antonio head coach Gregg Popovich na hindi na maglalaro sa kanila si seven-time All-Star center LaMarcus Aldridge na gustong magpa-trade.
“He’s healthy, in that respect, but we’ve mutually agreed to work out some opportunities for him and that’ll be elsewhere,” ani Popovich sa 35-anyos na si Aldridge.
- Latest