The Beast sa hotshots na!
MANILA, Philippines — May bagong tahanan si Calvin “The Beast” Abueva matapos magpasya ang pamunuan ng Phoenix Fuel Masters na i-trade ito sa Magnolia Hotshots.
Nagulantang ang lahat kahapon sa trade ni Abueva kung saan magiging kapalit nito si Chris Banchero at ang dalawang draft picks ng Hotshots — sixth overall pick (first round) at 18th pick (second round).
Aprubado na ng PBA ang trade.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Fuel Masters kay Abueva na isa sa pinakamainit na manlalaro nito partikular na sa nakalipas na season.
“We thank Calvin for everything he has done for us, and we wish him all the best in his new journey,” ayon sa statement ng Fuel Masters.
Excited na rin ang Fuel Masters sa pagpasok ni Banchero sa kanilang koponan kasama ang dalawang rookies na makukuha sa draft.
“Yet at the same time, we are excited to acquire a first-round pick from a very deep draft, and together with Chris Banchero, who is a superstar in his own right, the team has a great opportunity to grow in the years to come,” ayon pa sa statement.
Kamakailan lang ay pumirma ng tatlong taong kontrata si Abueva sa Fuel Masters.
Impresibo ang pagbabalik-aksyon ni Abueva sa Philippine Cup na ginanap sa isang bubble setup sa Clark, Pampanga.
Tinulungan nito ang Fuel Masters na makapasok sa playoffs tangan ang 8-3 rekord sa eliminasyon.
Sa katunayan, tinalo ng Fuel Masters ang Hotshots sa quarterfinals subalit natalo ang Phoenix sa Talk ’N Text sa semis.
Sa pagpasok ni Abueva sa Magnolia, muli nitong makakasama si dating San Sebastian College-Recoletos teammate Ian Sangalang na nakasama nito sa NCAA.
Tinaguriang Pinatubo trio sina Abueva, Sangalang at Ronald Pascual na dating PBA player.
- Latest